May Tikas pa ang Sepfourteen

Lumabas ang tikas ng 2018 Presidential Gold Cup champion Sepfourteen matapos manalo noong Sabado sa naganap na Condition Race Merged category 9 sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Magaan na nagwagi ang pagaari ng SC Stockfarm Inc. na halos umikot lang sa karerahan ang Sepfourteen at tinawid ang meta ng may apat na kabayo ang agwat sa nasegundong Boxmeer.

Nag-abang muna sa largahan ang former Presidential Gold Cup ruler na Sepfourteen at hinayaan nitong mauna ang kakamping Lady Mischief na binubuliglig ng segundo liyamadong Goldsmith. Subalit sa backstretch ay pinausad na ni class A rider John Alvin Guce ang kanyang sinasakyan na Sepfourteen.

Nandun pa rin yung galing ni Sepfourteen hindi nawawala, basta tuluy-tuloy lang ang ensayo namin, laban ito kahit kanino,” ani Guce.

Walang kahirap-hirap na inungusan ng Sepfourteen ang mga nasa unahan nito kaya naman pagdating ng huling kurbada ay beripikado na itong mananalo sa 1,500 meter race.

Kumapit na lang si Guce sa renda ng Sepfourteen sa diretsuhan dahil Wala ng makalapit sa kanila.

Segundo ang Boxmeer, tersero ang Goldsmith habang pang-apat na dumating sa finish line ang Messi sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).

Nagpakitang gilas din ang Rockaway nang manalong dehado sa Condition Race Category 19.

Parang Sibat na kinuha ng Rockaway ang unahan sa largahan upang manalong banderang tapos sa 1,400 meter race. Sakay si class A jockey RD Raquel hmdi na pinaporma ang mga katunggali at sinamantala nito ang kahinaan ng mga kalaban.

Walang mabilis sa largahan sa kanila kaya kinuha namin ang unahan at bahagyang inilayo ko para mapagod sila sa kahahabol sa amin,” hayag ni Raquel

Tinawid ng Rockaway ang meta ng may anim na kabayo ang agwat sa pumangalawang Watermania, tersero ang Hayley Margarette habang pang-apat ang Pampagueño.



Add a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *