6 Valenzuela OTB’s Ipinasara
|Nakasarado na pala ngayon ang anim na off-track betting stations (OTBs) sa Valenzuela City na nahulihang merong sabong betting sa kanilang mga lugar.
Sa isang stop order na ipinalabas ng Valenzuela Business Permit and Licensing Office noong Setyembre 22, ipinatigil ang nasabing anim na mga OTBs sa kanilang operasyon dahil na rin sa pagsuway sa dalawang sunod na notices matapos mainspeksyon ang kanilang mga lugar na merong tayaan ng sabong na ginagawa sa Carmona City sa Cavite na pinamamahalaan ng Manila Cockers Club Inc.
Magpahanggang ngayon ay sarado ang naturang mga OTBs dahil ayaw silang bigyan ng pahintulot ng local government na mag-operate hanggat hindi sila nagpapakita ng authorization na mag-operate ng Sabong betting mula sa Sanggunian ng Valenzuela.
Lumabas sa dalawang magkakahiwalay na mga inspection ng BPLO sa anim na mga OTBs sa loob ng nakaraang dalawang buwan na meron silang mga Sabong betting ganun ang kanilang permit na kinuha sa Valenzuela city government ay para lamang sa horse racing.
Isang paglabag ito sa batas, ang sabi ng Valenzuela BPLO, dahil wala silang mga permiso mula sa Sanggunian ng Valenzuela para magkaroon ng tayaan sa Sabong at ito ay naayon umano sa umiiral na Local Government Code.
Ang Sabong betting ay ginaganap mismo sa loob ng mga OTBs doon kapanabay ng mga karerang ginaganap sa mga karerahan. Ang laban ng Sabong ay sa Carmona ginaganap, ayon pa sa Valenzuela BPLO, at ito’y inihahatid sa mga nasabing OTBs sa pamamagitan ng live streaming kasama na ang tayaan.