Hagdang Bato petmalu sa Presidential Gold Cup

MAY kanya-kanyang panahon sa industriya ng karera, kampeon ngayon, sa susunod na taon ay iba na naman ang kikinang sa Presidential Gold Cup.

Mahirap depensahan ang titulo nang nagkampeon dahil taon-taon ay may sumisibol na batang kabayo para maging bagong hari sa nasabing prestihiyosong karera na PGC.

Sa isang dekada ng karera mula 2009 hanggang 2019 ay walang nag-back-to-back champion sa Presidential Gold Cup pero may nakadalawang titulo.

Ito’y si Hagdang Bato na pag-aari ni former Mandaluyong Mayor Benjur Abalos.

Nagkampeon si Hagdang Bato sa PGC noong 2012 kung saan siya ginabayan ni star jockey Jonathan Hernandez.

Parehong hinirang ng Philippine Sportswriters Association, (PSA) sina Hagdang Bato at Hernandez na Horse of the Year at Jockey of the year ayon sa pagkakasunod.

Nabigong ipagtanggol ni Hagdang Bato ang kanyang titulo noong 2013 PGC race matapos siyang talunin ni Pugad Lawin na nirendahan ni class A rider Patricio Ramos Dilema.

Umugong na wala na ang tikas ni Hagdang Bato dahil sa kanyang pagkatalo pero nagkamali ang ibang bayang karerista.

Naniniwala ang mga panatiko ni Hagdang Bato noon na muling maghahari ang kanilang idolo.

Muling sumalang si Hagdang Bato sa PGC noong 2014.

Resulta? – binawi nito ang korona kay Pugad Lawin upang tanghaling kampeon sa PGC.

Pagkakuha ng unahan­ ni Hagdang Bato ay hanggang amoy sa buntot na lang ang naabot ni Pugad Lawin sa nagkampeon.

Si Herandez pa rin ang rumenda kay Hagdang Bato, pagsapit ng backstretch ay hindi na binigyan ng pagkaka­taon si Pugad Lawin na makakapit sa kanila.

Hindi na sumalang si Hagdang Bato noong 2015 PGC na pinagwagian ni Dixie Gold.

Nitong Linggo, naghari si Super Sonic sa 47th PGC, 2019, inagaw nito ang trono kay Sepfourteen na kampeon noong 2018.

Bukod kina Hagdang Bato, Pugad Lawin, Dixie Gold, Sepfourteen at Super Sonic, ang ibang nagkampeon sa PGC race sa loob ng isang dekada ay sina Don Enrico, (2009), Yes Pogi (2010), Magna Carta, (2011), Low Profile (2016) at Dewey Boulevard (2017). (Elech Dawa)



Add a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *