Ikalawang leg ng Triple Crown Series
|SA Hunyo 11 na gaganapin ang ikalawang leg ng Triple Crown Series at ito ay gagawin sa MetroTurf sa Malvar-Tanauan, Batangas.
Wala pang opisyal na mga kalahok para sa susunod na leg kung kaya’t lahat ay pulos mga espekulasyon lang na masasabi kung sinu-sino nga ba ang papasok at lalaban.
Masyadong magaling ang panalo ni Radio Active sa unang leg na ginanap noong Mayo 15 kung saan ito’y pinatnubayan ni John Alvin Guce.
Matatandaan na si Alvin Guce din ang hineteng sumakay at nagpanalo sa tatay o imported stallion nitong si Radio Active na si Lim Expensive Toys noong kasikatan pa nito.
Masyadong impresibo sa mga eksperto ang ginawa nitong tiyempong 1:41 (26’-24’-23’-27) sa distansyang 1,600 meters nang talunin niya ang mga llamadong sina Underwood, Space Needle, Subterranean River, Dewey Boulevard, Spectrum, Sky Dancer, Kid Benjie, at Indianpana, ayon sa pagkakasunod.
Sino nga ba ang inaasahang lalaban uli sa kanya o maghihiganti sa kanilang mga pagkatalo?
Tiyak na nandyan na naman ang mga nasa likuran ni Radio Active na tulad ng magka-stablemate na sina Underwood at Space Needle, Subterranean River, Dewey Boulevard at Sky Dancer.
Si Guatemala, na nanalo sa Hopeful Stakes nang araw ding yun, ay tiyak na lalaban na sa second leg kasama ang mga malalakas na kalaban.
Masyado rin kasing impresibo ang kanyang 8-length victory laban sa na-llamadong si Pinagtipunan, Real Flames, Dance Again, Gee’s Jewel, Secret Kingdom, Homonhon Island, Mahayan Budur, at Striking Colors, ayon sa pagkakasunod.
Sabado napatapat ang karerang ito dahil ang susunod na araw (June 12) ay Independence Day at hindi puwedeng magkaroon ng anumang sugal na tulad ng karera.