Imported Runner nanalo sa Hagdang Bato Cup
|Ang imported runner mula sa USA na Atomicseventynine ang nagwagi sa ginanap na Hagdang Bato Cup sa obalo ng San Lazaro Leisure Park noong Linggo.
Ang Atomicseventynine na nirendahan ni J.B. Cordero ay nag-abang na lang sa may distansiyang 1,750 meters ng kanilang pagkakataon para mahablot ang unahan sa nagdala ng trangko na Skyway na sinakyan ni O.P. Cortez.
Pagpasok na nga ng rekta ay ang Atomicseventynine na ang nangunguna makaraang lagpasan ang Skyway at napigilan rin nito ang pagtatangkang mang-agaw ng eksena ng coupled entry nitong Dixie Gold na ginabayan ni A.P. Asuncion.
Ang panalo ay nangahulugan ng P300,000 first at second prize na P112,500 para sa sportsman at businessman na si Joseph Dyhengco. Ang dalawang kabayo ay parehong kinukundisyon ni A.L. Francisco.
Bago ang naturang karera ay ipinakita pa sa madla ang huling pag-galope sa kabayo ni Benhur Abalos Jr., na si Hagdang Bato na pinaikot sa kabuuan ng track oval.
Naroon rin ang dating Commission on Election Chairman na si Benjamin Abalos Sr., na siyang tatay ni Benhur, gayundin si Manila Jockey Club, President Alfonso Reyno at anak niyang si King Reyno.
Nagwagi naman sa second leg ng three-year-old Imported Fillies Stakes race ang Real Flames na pinatakbo ni Rodeo G. Fernandez.
Sa Ciara Marie Foundation Sprint Race, nangibabaw ang husay ni Space Needle na dinala in Jessie B. Guce.
Nanalo rin sa ginanap na Mayor Menchie A. Abalos Cup ang Batang Lapaz na si Jessie B. Guce rin ang patong.
Nagsipanalo rin ang Bahaghari, The Fountainhead, Kaluguran, Kid Benjie, Beat Them All, Penrith, Stand In Awe, Prinz Lao at Master Maker. (JM)