JRA Trophy Race sa MetroTurf
|Ang pantaunang JRA Trophy Race, tugon ng Pilipinas sa JRA Asia Week of Racing noong Hulyo 16-17 sa Chukyo Racecourse, ay iho-host ng Metro Manila Turf Club sa Setyembre 4 sa MetroTurf.
Ayon kay MMTC chairman at president Dr. Norberto Quisumbing Jr., ang JRA Trophy Race ang magiging highlight ng Japan Racing Festival sa Set. 4 at pantugon sa goodwill races na isinasagawa sa pakikipag-ugnayan ng Japan Racing Association.
Taya ang P500,000 sa JRA Trophy Race na iisponsoran ng Philippine Racing Commission.
Magiging whole-day racing festivities ang okasyon tampok ang mga pakarerang ihahanda ng MetroTurf para sa racing aficionados.
Inihost ng JRA ang Philippines Trophy Race sa tampok na karera noong Hulyo 17 sa Chukyo Racecourse kung saan ginanap din ang Macau Jockey Club Trophy at Singapore Turf Club Trophy Races. Sabado nang ganapin ang Thailand Trophy, India Trophy at Malaysia Trophy Race.
Ipinadala ni Dr. Quisumbing ang kanyang representatives sa pagtitipon na sina VP-Finance & IT Ronald Alfeche at VP-Marketing Andy Sevilla. Ang dalawa ang nag-award sa nanalong horse owner sa Philippines Trophy Race pagkatapos ng karera.
Nagpadala rin ang lima pang mga bansang kasali sa JRA Asia Week ng representatives mula sa kanilang mga racing clubs.