KUMAKARERA: Malas lang ba?
|By Andy Sevilla
Napapailing lang itong isang source natin dahil nalulungkot siya sa nangyayari ngayon sa kuwadra ng kanyang kaibigang horse owner.
Matitigas daw kasi ang mga ulo ng mga tao sa kuwadra ng owner kaya hindi nagpapanalo ang mga kabayo doon ng kanyang kaibigan.
Kung titignan mo raw ay panlaban ang mga kabayo ng kanyang kaibigang owner pero pagdating sa laban ay suwerte nang makapasok ng segundo.
Malas lang ba o talagang me dipirensya ang kanyang mga tauhan sa kuwadra? Tanong na nagpapailing sa ating source.
Isang taga-karera ang hindi na raw pinaniniwalaan ng kanyang mga kaibigan at mga kasamahan dahil “niluluwang” sila nito kapag may mga takbo ang kanyang mga kabayo.
Karapatan naman ng owner na huwag ipagkalat kung mananalo o hindi ang kanilang kabayo. Pero ang hindi raw maganda ay ito mismong taga-karera ang lumalapit sa kanila at nagbabalita kung ilalaban nila o hindi ang kanyang mga kabayo.
Sino ang paniniwalaan mo? Pero kadalasan daw ay saliwa ang mga sinasabi nito sa mga nangyayari sa kanyang mga kabayo. Kaya kapag nagbigay daw ito ng tips sa kanila, sa kabilang tenga na lang nila inilalabas ito.
Maraming investors ngayon sa karera ang nagrereklamo sa sobrang liit na ng mga premyo.
Oo nga daw at may mga guaranteed prize na ipinamimigay ang mga special races, pero paano naman yung mga segundo, tersero at quarto?
‘Yung mga dating kumukulekta ng P60,000 pataas na neto sa segundo ay halos P40,000 na lang daw ngayon at mas mababa pa sa tersero’t quarto. Halos hindi na raw magkasyang pambayad sa pagkain ng mga kabayo sa kanilang kuwadra.
Muling iniimbita ng KASAPI, sa pamumuno ng presidenteng si Nicson Cruz, ang lahat ng OTB operators sa General Assembly ng organisasyon ngayong Linggo (Abril 24) mula alas-nuwebe ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali sa Max’s Restaurant sa Roces Avenue, Quezon City.
Importanteng mga isyu sa karera at sa kanilang operasyon bilang mga OTB operators ang pag-uusapan at ihahayag ng pamunuan ng KASAPI sa kanilang mga miyembro.