Sakima, kampeon sa PRC Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr., Cup
|Ang imported runner na galing sa USA na si Sakima ang tinanghal na kampeon sa 2016 Philippine Racing Commission Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr., Cup kahapon sa obalo Metro Turf Club sa Malvar, Batangas.
Dinaig ng Sakima ang anim na iba pang kalahok kabilang ang paboritong mananalong kabayo na Atomicseventynine na nasegundo sa takbuhan.
Parehong nanggaling ang dalawa sa isang mahusay na istalyon na Curlin pero magka-iba sila ng pinanggalingang inahin.
Ang apat na taong kastanyo na Sakima ay isang lalakeng kabayo na nagmula sa inahing Queen Of Skills samantalang ang Atomicseventynine na isang babaeng kabayo ay nanggaling sa inahing Western Hemisphere.
Pagbukas ng aparato ay unang dumamba ang Silver Sword na dinala ni John Paul A. Guce at kasunod na nagbigay ng lutsa ang Haley’s Rainbow na si Onil P. Cortez naman ang nasa ibabaw.
Ang Atomicseventynine na mas naunang nakilala ng mga karerista dahil na rin sa maraming beses na itong nagpakitang gilas ay naipuwesto sa ikatlo ni class-B rider na si Apoy P. Asuncion kaakibat ang 56 kilos na handicap weight dahil nga sa pagiging winners na.
Ang Sakima na ginabayan naman ni John Alvin Guce angkumuha naman ng ikaapat ng puwesto sa likuran ng Atomic Seventy Nine habang nag-aagawan sa pagkuha ng unang puwesto ang Silver Sword at Haley’s Rainbow.
Wala halos pagbabago sa apat na nangunguna samantalang ang iba pang kalahok na Love To Death ni J.B. Hernandez, Exhilarated ni J.T. Zarate at Manalig Ka ni F.M. Raquel Jr., ay nag-aabang naman na maka-kurot sa papremyo.
Sa huling 400 meters ay kinuha na ng Atomicseventynine ang unahan, pero naroroon na rin na katabi na niya sa may bandang labas ng pista ang Sakima na malakas ding nagpapa-remate.
Sa homestretch ay tuluyan nang nakalagpas ang Sakima na prenteng namustura ang hineteng class-A rider na si Guce pero hindi naman naagawan sa ikalawang puwesto ang Atomicseventynine.
Binagtas ni Sakima ang 2,000 metro distansiyang karera sa bilis na 2:03-1/5 sa biniyak ng mga kuwartos na 26.0; 23.5; 24.5; 23.0 at 26.5 na dating.
Napunta sa koneksyon ng Sakima na pag-aari ng Santa Clara Stockfarm, Inc. ang unang premyong P1.2-milyon at P450,000 rin ang naiuwi ni Joseph Dyhengco para sa Atomicseventynine. JM