Marami ang papalakpak

Matinding pagbabago sa sistema ng pamamalakad sa industriya ng karera ang kailangan ngayon para maialis ito sa lugmok at nakakaa­wang kalagayan sa loob ng halos isang dekada na.

Mahigit 10 taon na ang nakararaan nang makita natin ang dating napakalaking revenue sa karera na umabot sa P7-billion. Pero ngayon, 2016 na pero mukhang nananaginip pa rin tayo dahil ang naiposteng revenue sa karera ay P7-billion pa rin.

Totoo ito at hindi isang masamang panaginip. Walang growth na matatawag ang industriya ng karera sa loob ng 10 taong nakaraan dahil ganito pa rin ang revenues na naililista hanggang ngayon.

Huwag ninyong sabi­hing matumal ang benta o kaya ay walang pera ang mga taong sumubaybay dito – ang racing aficionados.

Sa mga nagnenegosyo, kapag ganyan ang mga numbers na ipakikita ninyo, tinitiyak nating walang papasok na malalaking investors. Kung nagkakaroon lang sana ng kahit maliit na 10 porsyento ng growth ang industriyang ito, dapat ay nasa P15-billion na ang naipoposteng revenue ng karera sa isang taon.

Kaya hanggang ngayon ay pinagtatawanan tayo ng ating mga kasamahan sa Asya dahil ang isang taong revenue natin ay wala pa halos sa isang araw na bentahan sa karerahan sa Hong Kong.

Kailangang hanapin ang depekto kung bakit hanggang ngayon ay nananatili pa rin sa halos P7-billion ang pantaunang revenue ng karera at walang pagbabago sa loob ng isang dekada.

Isa itong malaking hamon sa bagong administrasyon ni President-elect Digong Duterte na baguhin ang sistema ng industriya ng karera sa bansa. Kung dapat nang alisin ang lahat ng mga nagpahirap sa karera sa matagal na panahon, tiyak na marami ang papalakpak!



Add a Comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *