Paratang ng Philracom – Itinanggi ng Metro Turf
|Pinabulaanan ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) ang sinabi ng Philippine Racing Commission tungkol sa jockeys and trainers disability fund na pilit nitong (Philracom) kinukuha sa MMTCI.
Idinemanda ng MMTCI ang Philracom para mabasura ang 53 resolutions nito na umano’y iligal dahil wala ito sa kanilang poder at kulang sa mandatory requirement sa ilalim ng batas na magsagawa ng public hearings, publications, at registrations bago ito ipatupad.
Dinidinig ang kaso sa Mandaluyong Regional Trial Court, humihingi ang MMTCI ng P22 milyon na danyos laban kina Philracom chairman Andrew Sanchez, commissioners Lyndon Noel Guce, Bienvenido Niles Jr., Victor Tantoco, Jose Gutierrez Santillan Jr., Ramon Bagatsing Jr., Wilfredo de Ungria, at exe¬cutive director Andrew Rovie Buencamino.
Sinabi ni MMTCI vice president Atty. Jose Alexander R. Carandang na nag-file sila ng ‘interpleader case’ tungkol sa nasabing jockeys and trainers disability fund. Hindi kasi ito nadesisyunan ng Philracom noon kung kanino dapat mapunta kaya idineposito ng MMTCI sa bangko.
Ipinakita rin ni Atty. Carandang ang isang sulat ng Philracom noong 2013 na inaamin nito (Philracom) na hindi sila puwedeng humawak o tumangap ng jockeys and trainers disability fund.
“Ang fund na ito ay nakalagak sa bangko at sinabi namin sa Philracom na naghahabol ang Philippine Race-Horse Trainers’ Association sa pondo kaya hindi puwedeng ibigay sa kanila ng diretso.”
Sinabi pa ni Atty. Carandang na ang MMTCI ang humahawak lang nito at handa ito na ibigay sa ‘tunay na may-ari’ na siyang pagdedesisyunan ng korte.
Ang fund ay umaabot na sa P40.42 milyon at naka-time deposit sa MetroBank simula pa nang mag-operate ang karera sa MetroTurf noong 2013.
Maraming nalungkot sa ginawa ng Philracom tungkol sa isyu ng jockeys and trainers disability fund. Dapat daw na binigyang atensyon nito ay ang Sabong Online Betting na patuloy na nagpapahina sa bentahan ng karera. Ginagawa kasi ito sa loob ng off-track betting stations (OTBs) kapanabay ng mga karera sa MetroTurf o sa Santa Ana Park.
Laging itinuturo ng Philracom ang Games & Amusements Board kapag isyu ng Sabong Online Betting ang pinag-uusapan dahil ang aspeto ng pananaya ay nasa jurisdiction nito. Pero ang ipinagtataka ng lahat ay bakit laging ipinangangalandakan ng Philracom na meron silang exclusive power sa lahat ng aspeto ng horseracing sa bansa?