Radio Active Kahawig manakbo ni Giant’s Causeway
|Nagbalik sa isipan ng marami kung paanong nagpanalo sa kanyang mga unang laban ang ama ng nagkampeon sa unang leg ng Triple Crown Series na si Radio Active noong Linggo.
Ito ay walang iba kundi ang stallion niya na si Lim Expensive Toys (Giant’s Causeway — Prophet’s Kiss).
Eksaktong 3-year-old nang ikarera ng dating may-ari nito na si Roland Lim si Expensive Toys, na kanyang nabili sa edad na 1-1/2 taon pa lang sa Magic Million Sales noong 2007 sa Gold Coast, Australia.
Marami ang nagulat nang biglang sumulpot sa kung saan ang nagpapanalo si Lim Expensive Toys noong 2009 kung kaya’t ito ang itinanghal na Imported Champion Horse ng nasabing taon.
At marami ang ginulat nang husto nang balewalang kunin ni Radio Active ang bandera sa kanyang mga kalaban pagpasok sa homestretch at lumayo nang husto sa kanyang mga kalaban papunta sa finish line.
Ibang remate ang ipinakita niya na kamukha-kamukha ng kanyang stallion na si Lim Expensive Toys. Naorasan ito ng impresibong 1:41 (26-24’-23’-27) sa 1,600 meter distance.
Nananalaytay sa kanya ang dugo ng pamosong si Giant’s Causeway (Storm Cat — Mariah’s Storm, by Rahy) na hanggang ngayo’y dinadagsa pa rin ng maraming breeders sa Amerika ang kanyang serbisyo.
Ang tatlong beses na champion sire sa Amerika at dalawang beses na 2-year-Old Champion Sire na si Giant’s Causeway ay nakatayo ngayon sa Ashford Stud sa Kentucky at nagdidikta ng presyong $85,000 (P3.91-million sa palitang $1-P46) kada live foals.
Dalawa sa kanyang pamosong anak na kumakampanya ngayon sa US ay sina Carpe Diem at ang US Triple Crown contender na si Brody’s Cause, na nanalo sa Toyota Blue Grass.
Ilan pang mga matitinding stallion na nakatayo ngayon sa Ashford Stud ay sina Triple Crown champion American Pharaoh, Competitive Edge, Declaration of War, Fusaichi Pegasus, Lookin At Lucky, Magicina, Shanghai Bobby, Stay Thirsty, Tale Of The Cat, Verrazano, at Uncle Mo (na ang pinakasikat na anak ngayon sa US ay ang Kentucky Derby champion na si Nyquist).