Showtime Mapapalaban
|May pagdududa man ay aabangan ngayong gabi ng mga karerista ang kabayong Showtime na patatakbuhin ni Kelvin B. Abobo sa isang Handicap-9/10 merged group sa ikalawang karera sa Metro Turf ngayon sa Malvar, Batangas.
Inaasahang mapapalaban na nang husto ang kabayo ng Santa Clara Stockfarm Inc., na kinukundisyon ni Tito E. Santos.
Ipinalalagay na sa lahat ng mga naunang laban ng Showtime, masusubukan ngayon ang kanyang tunay na lakas at sa tingin ng mga racing experts, ang pinakamahusay niyang makakalaban ay ang Penrith na dadalhin ni apprentice Peter John A. Guce gayundin ang de-bokang Wannabe na si apprentice D.L. Camañero Jr., naman ang papatong.
Ang isa pang matibay ding makakalaban ng Showtime ay ang imported runner mula sa USA na Premo Jewel na ibinigay naman ang renda kay Gilbert M. Mejico.
Ang iba pang kasama sa grupo ng Showtime ay ang Hugo Bozz na sasakyan ni Jeff B. Bacaycay, High Grader na gagabayan ni apprentice C.B. Diala at ang imported runner mula sa Australia na Magatto na parerematehin ni E.P. Nahilat.
Samantala, hindi nabigo ang mga backers ng Dugo’s Fantasy nang pagharian nito ang mas mataas na grupong special race-19 kagabi sa Santa Ana Park.
Pagbukas ng aparato ay na-pirmis lang sa ikatlong puwesto ang Dugo’s Fantasy at hinayaan lang na magdikta ng trangko ang mabilis na Conqueror na pinatakbo ni Darwin Deocampo gayundin ang biglang pag-arangkada ng Another Stunner na nilatigo ni Rom C. Bolivar.
Sa pagliko sa huling kurbada na may 400 metro pa ang natitira ay nanguna na ang Dugo’s Fantasy na sinabayan ng nagpaparemate sa Wise Ways ni A.R. Manabat. Pero prente pa ring nakatuntong sa meta ang napupuntong si Dugo’s Fantasy – (JM)