Silver Sword paboritong manalo
|Inaasahang ang Silver Sword na rerendahan ni Mark A. Alvarez ang tatayaan ng mga mahilig mag-single sa winner take all ngayong gabi sa ilalargang karera sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona Cavite.
Tatakbo ang Silver Sword sa isang handicap-10 na sinalihan din ng siyam pang kalahok at markado ang naturang kabayo bilang unang paborito sa laban.
Kagagaling lang sa panalo ng Silver Sword at si Alvarez din ang nagdala rito noong Hul-yo 19 sa karerahan din ng San Lazaro.
Sa merged group ng 10-11-12 lumaban ang Silver Sword at ilan din sa mga kasali ay tinalo na nito.
Ang ipinalalagay na mahigpit na kalaban ng Silver Sword ay ang Strong Champion na malakas na naiparemate ni Pat Dilema pero nabitin lang para umukupa ng ikalawang puwesto.
Sa ngayon ay nailipat kay apprentice Peter John A. Guce ang renda dahil si Pat Dilema ay uupo naman sa likuran ng Don Albertini na pag-aari ni Atty. Narciso Morales.
Ang Don Albertini na isang sprinter ay siguradong magbibigay ng pangunahing “lutsa” o agarang bilis sa pagbukas pa lamang ng aparato kay Silver Sword. At ito naman ang aabangan ng stayer na Strong Champion para makapanilat.
Samantala, nasungkit na lahat ng mga karerista ang mga nabiting carry overs sa quartet, pentafecta at super six noong Huwebes ng gabi.
Sa quartet na 3-1-4-6 na binuo ng mga kaba-yong Kay Inday, Never Say Goodbye, Alpha Alleanza at Homerun Queen ay nagdibidendo ng P843.20 sa isang ticket.
Sa pentafecta na may dalawang kumbinasyong 1-7-(4-6)-2 ay nagpamahagi ng P2,732.80 at P3,513.60, ayon sa pagkakasunod. Mas lalong minadali ang super six combine na 2-6-1-5-9-4 na binuo ng Jersy Savings, Bwana Belle, Batang Novaliches, Ma-tang Lawin, Jersy Jewel at Best Effort para sa premyong P1,515.20 sa bawat P2 taya. — (JM)