4th leg ng Juvenile Colts Stakes Race

May pinatunayan ang Sepfourteen

Sa magkasalungat na istilo, napatunayan ng Sepfourteen na siya ang pinakamabilis na kabayong nabibilang sa mga edad dalawang taon matapos magwagi sa ginanap na 4th leg ng Juvenile Colts Stakes race kahapon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Bagama’t hindi nauna sa labasan nang magbukas ang aparato, hinayaan lang ng Sepfourteen na ginabayan ni John Alvin Guce ang mga matutuling kalaban na Indiana Sky na patong si Onil P. Cortez at Biglang Buhos ni Mark A. Alvarez na maglaban sa unang bahagi.

Naging ganito ang magkakasunod na ayos na ang Indiana Sky ang nangunguna, kasunod ang Biglang Buhos at tila nanood lang sa ikatlong puwesto ang Sepfourteen habang malayo naman sa hulihan ang Alfie na si Jessie B. Guce ang may dala.

Nang sumapit ang medya milya, ang Biglang Buhos na mula sa Stony Road Horse stables na ang nangunguna matapos unahan ang Indiana Sky na naiwan na sa ikalawang puwesto.

Dito na gumalaw ang pambato ng Santa Clara Stockfarm na Sepfourteen na kinukundisyon ni Tito Santos para magmabilis na agawin sa mga nauunang kabayo ang trangko.

Sa rektahan, ang Biglang Buhos pa rin ang siyang nangunguna pero wala nang makapigil sa mabilis na pagsikad ng Sepfourteen para mahablot ang karangalan pati na rin ang mga premyo.

Mas mabilis na 1:42 sarado ang ginawang tiyempo ng Sepfourteen sa isang milyang distansiya sa mga quarters na 26.5; 24.0; 24.5 at may dating pang 27.5 na segundo.

Nakamit ng koneksyon ng Sepfourteen ang unang premyong P900,000 pati na rin ang breeders purse na P60,000 na kaloob ng Philippine Racing Commission.

Dumating si Philracom Chairman Andrew A. Sanchez gayundin ang kanyang mga commissioners at iba pang mga opisyales ng Philippine Racing Club Incorporated para igawad ang mga tropeo at premyo.

Samantala, sa Chairman Emeritus Santiago Cua Cup, ang dehadong si El Mundo na pinatakbo ni apprentice A.R. Manabat ang siyang nagpasikat matapos ungusan sa meta ang nagdala ng trangko na Strawberry Dawn.

Sa Jose A. Franco Memorial race, nangibabaw naman ang Blue Plate na pag-aari ni Jeci A. Lapuz. Sumegundo rito ang dehadong Diamond’s Gold kasunod ang Tito Gene, Heat Resistant at Dream Lover.



Add a Comment

Your email address will not be published.