Agaw eksena ang Mount Iglit

Agaw eksena ang ginawa ng dehadong Mount Iglit nang manalo sa labanan ng mga three year old locally bred stakes race na inisponsoran ng Philippine Racing Commission.

Halos nasa hulihan lang ng buong karera at hindi man lang nababanggit, isang malakas na pagpaparemate ang ginawa ng Mount Iglit para masilat ang mga paborito kasama na ang Pangarap na nasegundo lang sa laban.

Nauna munang nagbakbakan ang mga de-bokang He He He, Garlimax, Most Trusted, Love Hate at Pangarap sa simula ng isang milyang labanan pero unti-unting pinangapusan ng hangin ang mga ito sa huling 400 metro ng karera.

Tanging ang Garlimax, Most Trusted at Pangarap na ang naiwang naglabanan at animo’y isa na sa kanila ang mananalo sa karerang may prem-yong P300,000.

Pero sa rektahan ay biglang sumirit ang lakas sa pagremate ng Mount Iglit na pinatungan ni Dan Camañero. Habang ang mga nauuna ay tila naninigas na ang mga paa at umikli na ang mga kayod.

Nanguna ang Mount Iglit na may isang dipang layo sa Pangarap na siyamg pumangalawa. Ang isa pang dehadong si Play It Safe na pinatakbo ni Val Dilema ang tumersero at pang-apat naman ang Most Trusted na dinala ni C.P. Henson.

Ang Mount Iglit, isang tatlong taong kastanyong kabayo mula sa Arturo at Few And Between ay kumuha rin ng P15,000 breeder’s purse.

Ang mga koneksyon naman ng Pangarap, Play It Safe at Most Trusted ay nabiyayaan ng P112,500; P62,500 at P25,000 ayon sa pagkakasunod. (JM)



Add a Comment

Your email address will not be published.