Wild Talk nagpakitang gilas sa PRCI Invitational Challenge

Naging matatag sa lutsahan ang Wild Talk na dinala ni Mark B. Pilapil para hablutin ang unang puwesto sa ginanap na PRCI Invitational Challenge race na isa sa highlights ng pakarera kahapon sa Santa Ana Park sa Naic Cavite.

Sa pagbukas ng aparato ay nakauna ang Wild Talk, isang limang taong gulang na kastanyo mula sa istalyong With Class at Alamos at kaagad na nakipaglabanan ng todo ayre sa Basic Instinct na ginabayan ni Dominador H. Borbe Jr.

Hindi nagkahiwalay ang distansiya ng dalawang kabayo hanggang sa huling 400 metro papasok sa finish line. Pagpasok nito ng huling kurbada, ang Wild Talk pa rin ang nangunguna samantalang ang Basic Instinct ay tila pinanga­ngapusan na.

Nagpaparemate naman sa tabing balya ang second pick na El Mundo na si Mark M. Gonzales ang sakay at halos malampasan na niya ang Wild Talk pero hindi nangyari.

Ang isa pang malakas na nagpaparemate ay ang High Grader na dinala ng buwenas na hineteng si Jonathan B. Hernandez at siya pang nakaungos sa El Mundo para kunin ang ikalawang puwesto.

May kabuuang P200,000 ang papremyo na nakuha ang koneksyon ng Wild Talk kinukundisyon ni Danilo Dela Cruz. Second placer sa kanya ang High Grader, tersero ang El Mundo at pang-apat lang ang Basic Instinct.

Nauna rito ay nakapagpasikat na rin si J.B. Hernandez sa ibabaw ng dehadong si Tapped It sa isang PRCI Invitational-11.

Umalagwa ng todo ang Tapped It, tatlong taong alasan mula sa Retap at Serious Susie.

Malayong nasegundo ang Jarred Skywalker na sinundan ng Mr. Enrico, Angel Brulay at ng naging unang paboritong Desert Gold.

Ang isa pang naipanalo ni J.B. Hernandez ay ang Jungle Jingle sa isang Handicap-7/8/9 merged. Dito ay bakbakan na rin antimano ang Jungle Jingle at ang naging paboritong Barcelona na hindi tumagal sa ayre ng Jungle Jingle. Second place ang coupled runner ng Jungle Jingle na Mud Slide Slim kasunod ang Spinning Light, Zapima at Kasilawan. JM



Add a Comment

Your email address will not be published.