Stravinsky nagpasiklab sa Philracom Juvenile Colts stakes race

Sa impresibong itinakbo para ipakita ang kahandaan para sa Triple Crown series, inungusan ng Stravinsky ang mga nakaribal para pagharian ang Philracom Juvenile Colts stakes race noong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Sakay si jockey Jonathan Hernandez, nakipagsukatan ng lakas ang Stravinsky sa top choice na Batang Lapaz sa halos 900 metro bago nakawala sa final quarter ng 1,300-meter event at kunin ang ikalawang sunod na malaking panalo.

Unang nagwagi ang chestnut bay colt na anak ng Dream Romance mula sa Ultimate Goal noong Hulyo nang pangunahan ang Philippine Charity Sweepstakes Office Maiden stakes race bago nakalasap ng mga kabiguan.

“Yes, the horse (Stravinsky) is back in shape. Hopefully, he stays healthy. He’ll be running (in the 2017 Triple Crown),” sabi ni owner businessman Narciso O. Morales, ang runaway leader sa paramihan ng panalo at palakihan ng kinita sa 11 buwan ng horse racing season.

Ang Stravinsky ay may tiyempong 1 minuto at 20.2 segundo mula sa 7-1/2, 22, 23-1/2 at 27 segundo at tinalo ang Changes na sinakyan ni Jeff Zarate at Batang Lapaz na pinatakbo ni Jessie Guce.

“Maganda ang itinakbo. Puwedeng-puwede sa TC (Triple Crown),” wika ni Hernandez.

Sa higit dalawang quarters ay nakipaglaban ang Stravinsky sa Batang Lapaz na nagsimula sa pagbubukas ng starting gate.

Unti-unti ay nakalayo ang Stravinsky sa Batang Lapaz sa backstretch para kunin ang panalo.

“The team prepared the horse too well for this event and the jockey had a great time handling him,” sabi naman ni Morales, ang isa sa pinakarespetadong horse owners sa industriya.



Add a Comment

Your email address will not be published.